Nais kong ipahatid sa lahat ng kapwa ko Filipino ang aking pagbati sa isang matagumpay na kauna-unahang Automated Elections sa ating bansa. Tayo man ay naasar sa sistema ng mahaba at mainit na pila, sa mga poll watchers na nagpasikip ng mga classrooms na nagsilbing polling precincts, sa pagkasira ng ilang PCOS machines, sa mga BEIs na uminit ang ulo at tinawag ng iba na "ignorante" at kung anu-ano pang reklamo, ang mahalaga naiboto natin ang ating nais na mamuno sa ating bansa.
Hindi tayo naging bobo o tanga, kahit nga karamihan sa mga Senior Citizens nga marunong mag-shade eh. Kung alin man sa siyam na nagtunggali sa pagka-pangulo ang inyong pinili, ito ay malugod nating nirerespeto.
Napakahusay ng automated elections dahil ilang oras lamang alam na natin kung sino ang nanalo. Maraming salamat kay Sen. Richard Gordon na siyang nanguna sa pagsulong ng batas sa election automation.
Sa mga nag-concede na mga kandidato, taas-noo at saludo po ako sa katapangan, katatagan at pagiging propesyunal na inyong ipinakita. Isa lamang ito sa mga hakbang upang mapagkaisa natin ang ating watak na bansa. Ito rin ang patunay na naging makatotohanan ang resulta ng nakaraang halalan na napuno ng maraming haka-haka ng dayaan dahil sa ilang makasariling mga "lider" na nais magtagal sa kapangyarihan. Sa wakas, mayroon nang naglakas-loob na sabihing "Ako ay natalo, tayo ay magtulungan" kumpara sa dating "Ako ay dinaya, magbotohan muli tayo."
Hindi natatapos ang ating responsibilidad bilang mga mamamayan sa simpleng pagbot. Hindi man makakaimpluwensiya ng malaki ang ating maliliit na mga hakbang sa pagtulong sa ating pamahalaan para sa ikauunlad ng bayan, pero kung ito ay pagsasama-samahin natin, ito ay malaki.
Nawa, hindi tayo maging puro reklamo lamang kundi gumawa tayo para matulungan ang ating sarili at ibalik ang tiwala sa ating pamahalaan.
Tanging hangarin ng ating mga pulitiko ay makatulong sa ikauunlad ng Pilipinas, kalimutan sana ang tunggalian sa pulitika sa loob ng 3 at 6 na taon. Ipakita sana natin sa ating mga mamamayan na sinsero tayo sa ating mga pangako. Hindi naman po ako humihiling na manahimik kayo kung mayroon nang maling nangyayari, kasama niyo po kaming magbabantay. Sana lamang po ay magtulungan tayo, lalo't higit kung maganda naman ang hangarin ng bagong pamunuan.
Naalala ko nanaman ang paborito kong campaign jingle ni Bro. Eddie:
"Sino pang may malasakit at pag-ibig sa bansa? Sino pa? Sino pa? Eh di AKO. Kailan mag-uumpisang magkaisa, kumilos na? Kailan pa? Kailan pa? EH DI NGAYON. Sino pa nga bang gagawa? Sinong pagsisimulan? Sinong magtataguyod ng bayan ni Juan? EH DI TAYO!"
Napakagandang mensahe. Lahat tayo ay responsable sa pag-unlad ng ating bayan!
Bayang Pilipinas, simula na ng ating bagong pangarap at pag-asa!
No comments:
Post a Comment
Speak Up!