Mahirap Nga Bang Makipag-Usap sa Mga Taong Gobyerno?
Kahapon (September 11) isinama ko si Carlo sa paglibot sa ilang opisina upang magpamigay ng mga sulat. Nagkataong una kaming huminto sa pinakamalapit na himpilan ng isang pampublikong opisinang malapit sa CLSU. At kami nga ay dumating sa opisinang ito. Pagpasok namin ay naabutan namin ang isang lalaking nakahiga sa isang sofa at nanunuod ng TV samantalang may isang babaeng nagmamakinilya. Bilang isang sibilisado and edukadong tao, ako ay bumati ng isang magandang hapon at itinanong ko kung nasaan ang hepe ng opisinang iyon. Sa malamang inyong mahihinuha na hindi ko kilala at hindi ko pa nakikita kahit kailan ang taong hinahanap ko. Muli akong nagtanong ng magalang at hinanap kong muli ang puno ng opisina. Kung ikaw ay isang taong may pinag-aralan, sasabihin mong ang taong nakahiga sa sofa ang hepe. Ewan ko ba, natawa ang babaeng akala mong pinakamagandang nabuhay sa mundo na nagmamakinilya (nagkataong natatandaan kong nagtapos siya sa CLSU) at sinabing "Sir, nasaan daw po ang puno?"
Ako'y nagulat na yun palang ginoong nakahiga sa sofa at nanunuod ng TV ng mga alas-3 ng hapon ang taong hinahanap ko. Siyempre, nahiya naman ako. E sa hindi ko nga siya kilala. Pero kung alam ko namang yung nakahiga ang taong hinahanap, magalang ko namang sasabihin na siya yung hinahanap niya (magulo ba?). Ang ibig ko lang sabihin eh sasabihin ko nang maayos. Parang ang lumabas kasi eh natawa siya dahil nasa harap na namin ang aming kausap.
Mapagkakamalan mo ba naman kasing hepe ang taong nakahiga sa sofa at nanunuod ng TV sa oras na may pasok? Hindi ba dapat ay naka upo man lamang siya at hindi ganun ang posisyon? Paano kaya kung ako yung Mayor o Cabinet Secretary at nakita ko siyang nakaganun?
Napahiya kasi ako. O napahiya siya. Hindi ko na alam kung sino. Pero sa palagay ko nakakainis talagang kausap ang ilang tao sa gobyerno. Dahil ang ugali nila ay ganun.
Malamang sa mahirap din talaga akong kausap dahil ako din ay kawani ng gobyerno, pero kahit kailanman di ko gagawin yun lalo na't ako ay guro!
No comments:
Post a Comment
Speak Up!