Saturday, September 12, 2009

NANG DAHIL KAY JESSA

Nang mabasa ko ang blog ni Jessa may naalala nanaman ako. Nais ko din sanang isulat dito sa blog na ito ang mga obserbasyon ko sa mga daang nabanggit niya. Sa katotohanan nuong ginawa yun natuwa ako. Bukod sa dumadaan kami ng mga kaibigan ko duon tuwing maglalaro kami ng Badminton at maglalakwatsa sa 'D Fourth pagkatapos, ay dinaraanan ko din yun papasok ng CLSU. Ewan ko nga ba kung anong work ethic meron sa mga kawani ng gobyerno. Sa aking palagay ay wala silang magawa kundi mag-aksaya ng pera.

Ang ganda-ganda nung daan nung una itong nagawa, matapos lang ang ilang buwan ng pag-ulan ay umuho na ito at para ka ngang nasa buwan (kahit di pa ako nakarating dun) sa lalim ng mga ukang nandito. Ang nakakalungkot pa ay harapan ito ng ospital. Kawawa naman ang mga pasyenteng itinatakbo dito dahil maaalog muna ng bonggang-bongga ang utak nila bago sila maibaba sa emergency room.

Anak ng komisyon!

Naalala ko tuloy bigla ang napanuod ko sa TV nuong isang gabi. Sino daw ba ang iboboto nilang presidente. Ang sabi ng mga mahihirap, boboto daw sila ng hindi corrupt. Ang sabi naman nung isa ay yung may magagawa para sa bayan dahil ang kasalukuyan daw na pamahalaan ay walang nagawa.

Ewan ba? Filipinong Filipino nga ang babaeng ininterview sa TV. Pag hindi masaya sa mga nangyayari sinisisi ang pamahalaan. Pag wala silang trabaho, sisisihin nila muli ang gobyerno. Pag wala silang makain, gobyerno ang may kasalanan. Sa palagay ko, meron namang mga nagawa ang administrasyong ito. Napataas naman nila ang suweldo ng mga kawani ng pamahalaan, nakapagpadami naman sila ng mga OFW, mayroon naman ngang bahagyang paglago sa eknomiya, naglilibot si PGMA sa iba-ibang bansa kada buwan ata (mukhang sinusulit ang presidency, dapat nga ay lilipad muli siya sa New York ngayon may bagyo lang), bumibili ng mga real properties ang mga anak sa Amerika (ang yabang-yabang nun) at kumakain lang naman sa mamahaling restaurant ang pangulo at ang kanyang mga kalihim. Tumaas naman kasi ang GDP.

Ewan ko pa rin. Ako nga na may suweldo na eh di pa sumasapat yung kita, paano pa kaya yung iba. Tayo kasi mahilig lang magsasalita, pero di naman tayo gumagawa ng paraan para masolusyunan yung sarili nating mga problema. Gusto natin sagot lang ito ng gobyerno. Yung iba reklamo ng reklamong bumabaha sa kanila, sila naman ang tapon ng tapon ng mga basura sa kanal. Naiinis sila dahil wala silang trabaho, ayun at makikita mo kasama yung mga kumpare at nag-iinuman. Ni hindi maghanap ng pagkakakitaan. Anak ng Pilipinas!

Hindi pa ako nawawalan ng pag-asa sa mga Filipino. Kulang lang talaga tayo sa inisyatibo or pagkukusa. Samahan lang natin ng disiplina, mas magiging ayos ang ating pamumuhay. Kulang lang din siguro tayo sa mga halimbawa. Pero halos lahat na ata kasi ng mga puwedeng tularan patay na.

I do what I believe is good. I do what I believe is right.

Yan ang motto ng I am Ninoy. Public office is a Public trust. Ako kailanman ay hindi magbibitiw ng mga salitang di ko kayang panindigan. Sabi ko nga kanina sa mga participants ng Quo Vadis Capability Building Workshop ng Araullo University, bakit ka tatakbo bilang officer ng student council kung wala kang commitment. (Gumawa kasi sila ng mga resolusyon tingkol dito.)

Ang topic ko ay Action Planning. Itong AP ay karaniwang ginagawa ng mga halal na opisyal ng kahit na anong organisasyon sa unang araw ng pag-upo nila sa puwesto. Ito ay mahalaga dahil ito ang magiging plano ng itrukturang nais nilang maisagawa sa kanilang termino. Sabi ko nga, bago maitayo ang isang bahay o gusali gumagawa muna ang arkitekto ng plano na siya namang magiging basehan ng mga inhenyero at foreman sa pagtatayo nito. Ang Action Plan ay kabuuan ng gusaling ito. Mula sa pagpaplano hanggang sa pagsasakatuparan at sa huli ay ebalwasyon.

Pero may kilala ako na wala pa yatang ganito. Ewan ko nga ba talaga? (ilang beses ko na ba ginamit ang katagang ito) Hindi ako nagmamalinis, pero alam ko naman ang tama at mali. Nawa lamang ay naging totoo ang mga nasambit bago pa man mapunta ang kapangyarihan sa'yo.

Nuong 2007 ay nagapi ang isang dinastiyang pulitikal sa isang lalawigan. Pero mukhang nagtatayo na rin ng dinastiya ang pumalit sa kanila? Hindi ko alam. Ganyan na nga yata sa Pinas, negosyo ang pamahalaan.

Iboboto ko nga ba si Sen. NoyNoy. Hanggang ngayon ay hindi pa ako desidido. May hinihintay pa kasi ako. Magdadasal ako para dito.

No comments:

Post a Comment

Speak Up!