Isusuko ko na ang Bataan!
Sa ika-18 ng Setyembre ang huling araw ng dropping of subjects. Bakit ba ako nababahala? Ito ba ay para sa mga estudyante kong nanganganib na bumagsak dahil sa pagwawalang bahala sa subject ko? O dahil sa ilang hindi naniniwala sa aking pagtuturo ng mga subject na hawak ko? Marahil ito din ay para sa kanila.
Pero ang araw na ito ay paalaala din sa akin. Ako ay mag-aaral din ---hindi lamang ng buhay kundi sa totoong buhay. Lumapit ako sa aking guro upang magpaalam at magpapirma ng isang form na nuong unang taon ko sa kolehiyo unang ginamit. Hindi ko maintindihan, pero isang araw pumasok sa isip ko na hindi ko na kayang mag-aral pa --- sa ngayon.
Ayaw itong pirmahan ng mahal kong guro. Marahil siya ay isang lisensiyadong guidance counselor kaya nais pa niya akong makausap. Mali nga naman ang oras ng pagpapaprima ko dahil nasa klase pa siya. Sumunod na araw, kaarawan ko. Muling dumaan ang aking guro sa opisina namin at nagtanong. Dinampot kong muli ang dropping form at nagtangka akong magpapirma sa kanya. Muli naming tiningnan ang Academic Calendar, hindi pa nga naman deadline. Mag-uusap pa daw kami. Hindi ako naiinis sa aking guro dahil sa ayaw niyang pirmahan ang dropping form ko. Naiinis ako sa sarili ko dahil puro letra na lang ang mga susunod na kabanata ng transcript ko at ayaw ko sanang magkaganon.
Hindi ko naalintanang hindi pa talaga ako handang mag-aral muli. Mas nais ko kasing pagbutihin ang pagtuturo (o tinatamad lang talaga ako). Marahil nasaturate nanaman ang utak ko sa dami ng mga naiwang trabahong dapat kong gawin. Sumilip nanaman ang mga nagpapatuliro sa isipan ko. Marahil pagod na ako. Hindi ko nawaring ako'y pumasok na palang muli sa eskuwelehan upang magturo at hindi na mag-aaral. Nagtatrabaho na pala ako. Hay, required kasi kaming magkaroon ng master's degree bago kami mapermanente. Hindi ko ito naalintana.
Susuko na ba ako? Isusuko ko na bang tuluyan ang Bataan? Mag-uusap pa kami ng aking guro, at marahil matapos yun ay pipirmahan niya na ang dropping form ko.
No comments:
Post a Comment
Speak Up!